Hi Pokoyo, itago niyo na lang ako sa pangalang Leslie, 27 anyos, taga Quezon Province. Isa akong bagong ina at isa ring sugatang anak.
Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Pero sana sa pagsusulat nito, kahit paano, gumaan yung bigat sa dibdib ko. Simula pagkabata, palagi kong sinikap maging “mabuting anak.” Kahit wala kaming masyadong kaya, ginawa ko ang lahat para maiahon ang pamilya. Ngayon isa na akong VA o Virtual Assistant, at sa totoo lang, lahat ng kinikita ko halos, sa kanila rin napupunta.
Binayaran ko ang tuition fees ng mga kapatid ko. Monthly ako nagpapadala kay Mama pang-grocery, pang-upkeep, panggamot, kahit panggastos sa bahay. Nagpatayo pa nga ako ng maliit na paupahan sa kanila para may dagdag sila, pero ni minsan, hindi ko naramdaman ang pasasalamat.
Hindi ako tinatawagan ni Mama para kamustahin ako. Kapag may tumatawag sa'kin, sigurado ako pera na naman ang kailangan. Walang “Hi anak, kumusta ka?” Wala. Laging “Padala ka ng ganito, bayaran mo ‘to, bumili ka niyan.” Minsan pa, parang may galit pa kapag hindi ko agad nasunod.
Pero ang pinakamasakit na bahagi? Nang nabuntis ako.
First time kong maging ina. At grabe ang pinagdaanan ko. High-risk ang pregnancy ko. Halos buwan-buwan nasa ospital ako, may complications, hindi ko maipinta ang takot ko. Pero si Mama? Hindi man lang ako tinanong kung okay ba ako. Ang tanong niya? “Kailan ka magpapadala?” Hindi siya tumigil humingi kahit alam niyang nasa panganib ako.
Pagkatapos kong manganak one week postpartum ako ngayon habang sinusulat ‘to umuwi ako sa bahay nila. Akala ko, doon ako magpapahinga, magpapagaling. Pero mas lalo akong nabugbog. Literal na may tahi pa ako, mahapdi pa ang sugat ko sa panganganak, pero ako lahat gumagawa sa bahay. Ako ang nagluluto, namamalengke, bumibili ng gatas, diaper, lahat. Ako ang gumigising tuwing umiiyak ang anak ko si Mama? Wala. Hindi man lang lumalapit.
Ang masakit? Hindi lang siya walang pake… kundi binabastos pa ako.
Tinatadyakan niya ako ng salita. Tuwing makikita ang tiyan ko, sinasabi niyang, “Ang taba mo na,” “Nakakadiri yang puson mo.” Isang linggo pa lang ako mula nang manganak, pero para akong pinapatay sa mga sinasabi niya. Wala siyang pakialam sa mental health ko, sa pagka-praning ko sa pagiging bagong ina, sa mga luha kong tinatago gabi-gabi.
Walang yakap, walang payo, walang suporta. Ako na nga ang nagbibigay ng lahat, ako pa ang parang kasambahay sa sarili kong ina. Ni minsan hindi niya sinabi, “Anak, proud ako sa’yo.” Ni minsan hindi niya tinanong, “Kaya mo pa ba?”
Hindi ko alam kung anong mas masakit yung sugat sa katawan ko galing sa panganganak, o yung sugat sa puso ko na galing sa sariling ina ko.
Hindi ko rin alam kung anong kasalanan ko sa kanya para tratuhin niya akong parang walang kwenta. Pero sa ngayon, ito lang ang alam ko: pagod na pagod na ako. At kahit anak ko lang ang rason ko para lumaban, sana sa mga ganitong pagkakataon, may nanay din sana akong kakampi ko.
Sa lahat ng mga bagong ina na katulad ko kung iniiyakan mo rin ang ina mong dapat sana'y katuwang mo, hindi ka nag-iisa. Sana... sana isang araw, maramdaman din natin ang yakap na noon pa natin deserve.
Ang asawa ko ay OFW at wala siyang alam sa ginagawa ng mama ko saken.
Comments
Post a Comment