"Hindi ko na alam kung saan ako lulugar Ako ang naging househusband."
Please hide my identity. Wala talaga akong mapagsabihan, kahit sa mga magulang ko. Kaya dito ako dumidiretso.
Naging househusband ako.
Taong 2021, kasagsagan ng pandemic, nag-resign ako sa trabaho. Maayos naman ang kita ko noon nasa 30K kada buwan, may company vehicle pa ako na may libreng gas at toll. Bukod pa ro’n, may sarili din akong sasakyan. Hindi ako nagyayabang, pero masasabi kong medyo maganda ang kinikita ko para sa pamilya namin. Isa pa lang anak namin noon, mga 2 years old, pero buntis na rin ang misis ko sa pangalawa namin.
Pareho pa kaming may trabaho ng misis ko noon. Siya, mga nasa 15–16K ang sweldo. Yung panganay naming anak, inaalagaan ng tatay ko at kapatid ko. Nag-aabot na lang kami ng pera sa kanila. Nakabukod kami ni misis nakatira kami sa bahay ng tita ko, kami lang nando’n.
Habang buntis si misis sa pangalawa, napag-uusapan na namin kung sino ang mag-aalaga sa mga bata kapag tapos na ang maternity leave niya. Pero tuwing napag-uusapan namin ‘yon, nauuwi lang sa iyakan. Ayaw niya mag-resign mahal daw niya ang trabaho niya.
Hindi rin puwedeng iasa sa tatay ko o kapatid ko may sarili rin silang mga ginagawa. Ayaw rin naming kumuha ng yaya natatakot kami lalo’t baby pa ang isa, at toddler pa lang ang isa. Yung nanay niya, hindi rin puwede may edad na at ayaw na rin ng misis ko.
Dumating ang araw na nanganak na si misis. Pagkatapos ng ilang linggo, napag-usapan uli kung sino mag-re-resign. Nakiusap ako kung puwede siya. Pero nauwi na naman sa iyakan. Ako na naman ang bumigay. Hindi ko siya gustong ma-stress, lalo na’t hirap na hirap ang katawan niya noon.
Dalawang buwan bago matapos ang ML niya, ako ang nag-resign. Ang dahilan ko sa kumpanya at sa pamilya ko hirap na ako magtrabaho. Hindi ko binanggit si misis. Ayokong pag-isipan siya ng masama.
May nakuha naman ako sa company, kaunting ipon, at humingi rin ako ng tulong sa pamilya ko para makapagsimula ng negosyo. Malakas din noong una nagdi-deliver ako sa mga kapitbahay namin. Pero nung bumalik na sa work si misis, ako na lang naiwan sa bahay kasama ang dalawang bata ang isa baby pa, ang isa toddler. Hindi ko na kayang mag-deliver. Nalugi ang negosyo. Nawalan ako ng kita.
Kinaya ko alagaan yung dalawa, pero sobrang hirap. Laging puyat. Laging bitbit ang baby, pati pag-CR, dala ko siya.
Madalas kaming nagtatalo. Ramdam ang bigat ng gastusin. Umaabot pa sa point na kinakausap niya ang nanay ko na nasa abroad kesyo bakit daw wala akong income.
Sabi ko, “Paano? Ha? Paano? Yung anak natin di pa nakakalakad, nasa dibdib ko palagi. Pagligo nga, problema ko pa.”
Tiniis ko. Iniisip ko baka may postpartum pa siya.
Nung September 2022, medyo OK na. Nakakabitaw na ng kaunti si baby. Nakahanap ako ng online raket ahente sa mga condo rentals. Malakas ang kita. Umaabot ako ng 60K sa isang buwan, habang nasa bahay lang. Sinipagan ko. Minsan doble pa kita ko sa kanya.
Nakaipon kami. Nabili ang mga kailangan ng bata. Nag-aaral na sa private yung panganay. Nagsabay ko lahat ‘yon habang ako lang mag-isa ang nag-aalaga.
Pero kahit paano, may isyu pa rin. Gusto ko lang mag-relax once a week umiinom ako minsan sa tapat ng bahay, kasama kapitbahay. Isa lang ‘yon sa isang linggo. Pero galit siya. Naiintindihan ko siya, pero minsan gusto ko rin ng pahinga.
Dumating sa point na binato niya ang wedding ring namin. Nawala na. Sobrang sakit nun para sakin.
Ngayon 2025, napa-promote siya. 40K plus ang kita niya. Nakaipon kami, nakabili ng bahay. Pero simula February hanggang ngayon, bumaba kita ko 50–60% ng dati. Nagiging useless ulit ako sa paningin niya.
Hindi niya maintindihan na ang kita ko, naapektuhan din ng oras na nauubos sa gawaing bahay at alaga. Ako lahat gumigising, nag-aasikaso, naglalaba, hatid-sundo, bantay ng online class.
At ngayon, eto ang hindi ko matanggap: gusto niyang siya na lang sa bahay at ako na ang magtrabaho.
Masakit pakinggan. Parang kinalimutan na lang niya lahat ng sakripisyo ko noon. Sa taas ng position niya ngayon, gusto niyang mag-resign dahil pagod na daw siya.
Eh ako? Di ba ako napagod? Hindi ako ang pumili sa setup na ‘to.
Kung magtatrabaho ako, hindi naman agad malaki kita. Baka saan lang kami mapadpad. Ayaw ko na bumalik sa dati.
May plano ako mag-start ulit ng business next year sa bahay. Napag-usapan na namin ito. Pero tuwing gipit, bigla siyang nag-iiba ng plano.
Hindi biro ang maging househusband. Dalawang bata, araw-araw mong iniintindi. Lahat ng aspeto ikaw.
Hindi ko na alam kung saan ako lulugar.
Comments
Post a Comment