Hi po, tawagin n’yo na lang po ako sa pangalang Ella. 19 years old, college freshman, consistent honor student, Top 2 sa klase noong HS. Sabi nila, may ganda raw ako. Hindi ako mahilig makipagbarkada. Tahimik lang ako, laging nasa library o bahay. Maayos ako manamit, malinis, at higit sa lahat, sumusunod ako sa lahat ng gusto ni Mama.
Kasi si Mama lang ang meron ako.
Simula’t sapul, si Mama na ang nagsilbing tatay at nanay ko. Siya ang nagdala sa akin sa check-ups, PTA meetings, at siya rin ang nagbitbit ng medalya ko sa entablado. Wala akong maalalang kahit anino ng ama ko. Laging sinasabi ni Mama, “Hindi mo siya kailangan. Hindi mo siya dapat hanapin.”
At naniwala ako. Kasi alam ko, masakit para kay Mama.
Pero last week, bumaliktad ang mundo ko.
May nag-message sa akin sa Messenger. Lalaki. Mga 40s. May picture kami noong baby ako sa profile niya. Nagsend siya ng mahabang message sabi niya, siya raw ang ama ko. “Hindi ako naging mabuting ama, pero gusto kong makabawi. Pwede ba kitang makita, anak?”
Nanginig ako. Hindi ko alam ang mararamdaman ko.
Pinicturan ko ang message, sinend ko sa best friend ko. Sabi niya, “Baka scam lang ‘yan.” Pero curious ako. Chineck ko ang profile niya. May asawa na siya ngayon, may mga anak, may sariling bahay at sasakyan. Mukhang maayos ang buhay niya. Lahat ng ‘yon, pinanood ko lang habang niluluha ko ang instant noodles sa harap ng lumang electric fan sa study table ko. Iniklian ko nalang yung kwento admin para hindi masyadong mahaba.
Isang tanong lang ang paulit-ulit sa isip ko:
"Nagparamdam ka lang ba kasi nalaman mong matalino ako? Paano kung hindi ako achiever? Lalapit ka pa rin ba?"
Noong nalaman ni Mama, bumagsak ang lahat. Galit na galit siya. Inaway ako. Tinanong kung bakit ko pa binuksan ang pinto sa taong matagal nang wala. Umiiyak siya habang sinisigaw ang mga salitang,
“Ako ang nagpalaki sa’yo anak! Ako ang nagpakain sa’yo! Ako ang sumalo sa bawat luha mo! Tapos siya, bigla na lang papasok? Hindi puwede! Sa lahat ng hirap na Dina's ko tinanong ka ba Niya kung okay ka? Kinamusta ka ba Niya? Hindi!”
Tahimik lang ako noon. Pero sa loob-loob ko…
Tama ba ako na gustong makilala ang taong kalahati ng pagkatao ko?
Masama ba akong anak kung gusto ko ring malaman kung bakit niya ako iniwan?
Alam kong mali ‘yon sa paningin ni Mama. Alam kong para sa kanya, isang uri ng pagtataksil ang pagnanais kong makilala si Papa. Pero ang totoo? Hindi ko gustong ipalit siya. Hindi ko gustong palitan lahat ng sakripisyong binigay niya. Lahat ng medalya ko, bawat honor, bawat “perfect” sa papel lahat ‘yon para sa kanya.
Pero may parte sa puso ko na hindi buo. Parang kulang. Parang kailangan ko ng sagot.
Gusto ko lang ng kahit isang tanong na masagot:
"Bakit?"
Bakit siya nawala?
Bakit ngayon lang?
Bakit niya ako iniwan noon at bakit ngayon, parang gusto niyang bumawi?
Gusto ko siyang tanungin sa mata. Gusto ko siyang pakinggan. Hindi dahil gusto ko siyang yakapin at tanggapin agad. Kundi para lang… maintindihan.
Pero natatakot akong masaktan si Mama.
Kahit gusto kong makilala ang tatay ko, ayokong makita ni Mama sa mga mata ko ‘yung pagnanais kong lumapit. Kasi ‘pag nakita niya ‘yon… baka tuluyan siyang masaktan. Baka mawala din siya sa’kin, hindi pisikal, kundi emosyonal. At ‘yon ang pinakaayaw kong mangyari.
Ngayon, araw-araw akong may tanong sa isip:
“Paano ko pipiliin ang sarili kong kapayapaan… kung sa paggawa ko nito, wasak naman ang taong nagmahal sa’kin ng buo?”
Kaya eto ako, 19 anyos, puno ng tanong, puno ng takot.
Sa mga nakabasa nito…
Anong gagawin niyo kung kayo ang nasa sitwasyon ko?
Mali ba akong anak kung gusto kong makita ang ama ko kahit sandali?
Mali ba akong tao kung gusto kong makumpleto ang kwento ng pagkatao ko?
Payo n’yo po…
Kasi ngayon, kahit matalino ako sa klase, wala akong sagot sa tanong ng puso ko.
😭
Comments
Post a Comment